Isa pang Filipino ang nasawi dahil sa pag-atake ng militanteng grupo na Hamas sa Gaza Strip sa Israel.
Ito ang kinumpirma kahapon sa pulong balitaan sa Malakanyang ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega.
Kinilala ang biktima na si Loreta “Lorei” Alacre, 49, caregiver at tubong Negros Occidental. Sumailalim umano sa DNA test ang labi ni Alacre.
Huling nakita si Alacre ayon sa kanyang employer na si Noam Solomon noong Sabado ng umaga sa pagitan ng mga siyudad ng Netivot at Ashkelon sa Southern District ng Israel kung saan dito nagsagawa ng pag-atake ang Hamas.
Binaril umano sa likuran ang biktima na anim na taon nang caregiver kay Solomon.
Dahil dito, umakyat na sa tatlong Filipino ang nasawi.
Sinabi ni De Vega, na nakikipag-ugnayan na ang embahada ng Pilipinas sa kapatid na babae ng biktima na nasa Kuwait ngayon para ayusin ang pagpapauwi sa bangkay nito sa Pilipinas.
Iniulat din ni De Vega na tatlo pang Filipino ang nawawala at patuloy na pinaghahanap.
Umaasa naman si De Vega na nagtatago lamang sa mga bunker o bomb shelter ang tatlong Filipino.
Matatandang isang 42-anyos na lalaki na taga-Pampanga at isang 33-anyos na babae na taga-Pangasinan ang nasawi sa kaguluhan sa Israel.