Kalaboso ang may 14 na mangingisda at crew ng dalawang bangka makaraan silang maaktuhan sa karagatan habang ilegal umanong nangingisda sa karagatang sakop ng Brgy. Sapang 1, bayan ng Ternate, kahapon.
Pawang nahaharap sa mga kasong paglabag sa Municipal Ordinance Ne 2 S-2011 (Illegal Fishing) ang mga suspek na sina Crispin Jarilla, 50 anyos, owner ng F/B Nalie at nagsisilbi ring boat captain; mga crew na sina Gorgonio Cano, 69; Alek Flores, 53; Danilo Adilyn, 46; Michael Irag, 42; Emarwin Potes, 32; John Carl Irag, 32; pawang taga-Brgy. Amaya VII, Tanza, Cavite.
Kasama pa sa mga dinakip sina Marcelino Fernando, 32, isa ring boat captain; Ariel Centeno, 32; Renaldo Tamani, 36; Rodolfo Domasig, 36; Marianito Payno, Jr., 32; Roman Reyes, 40, at Danmark Ferando, 29; pawang mangingisda at residente ng Brgy. Amaya VII, Tanza, Cavite.
Sa ulat mula kay Police Major Xelacor Marie Garcia, hepe ng Ternate Police, alas-5:30 ng madaling araw nang kanilang masabat ang dalawang bangka na sakay ang 14 na mangingisda sa karagatan ng Ternate kung saan naabutan umano ng mga operatiba na ilegal na nangingisda.
Habang rumoronda sa karagatan ang mga kasapi ng Sea Borne Operations kasama ang Ternate Bantay Dagat Task Force nang kanilang maispatan ang mga mangingisda.
Inaresto ang 14 na sakay ng dalawang pangisdang bangka at kinumpiska ang kanilang mga kagamitan at maging kanilang mga bangka.