Tinatayang aabot sa 40,000 hanggang 140,000 manggagawa ang maaaring maapektuhan nang inaprubahang P35 minimum wage hike sa Metro Manila kamakailan.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, ito’y sakaling mapilitang magsara o magbawas ng mga manggagawa ang mga maliliit na negosyo o yaong micro, small, and medium enterprises (MSMEs), upang makatalima sa naturang panibagong umento sa sahod.
Ani Balisacan, tiyak na magreresulta ito sa muling pagtaas ng unemployment rate sa bansa, bagamat nilinaw na ‘very negligible’ pa rin naman aniya ito.
“It could increase the unemployment rate but again, it’s a very negligible number; and it could impact something like 40,000 to 140,000, depending on the region but still again, not as big as one would expect if those were much higher,” aniya pa.
Ipinaliwanag din ni Balisacan na dahil naman sa lumalagong ekonomiya ng bansa, ay mapagkakalooban naman ng alternatibong trabaho ang mga mamamayan, na maaaring maapektuhan ng umento sa sahod.
Samantala, tiniyak naman ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma na patuloy nilang minomonitor ang posibleng impact ng anumang wage adjustments.
Matatandaang kamakailan ay inaprubahan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) wage board ang P35 na umento sa minimum wage hike para sa mga pribadong manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Dahil dito, mula sa dating P610 ay magiging P645 na ang daily minimum wage sa rehiyon para sa non-agriculture sector at P608 naman, mula sa dating P573, para sa agriculture sector, service at retail establishments na may 15 o mas kaunti pang manggagawa at manufacturing establishments na regular na nag-e-empleyo ng wala pang 10 trabahador.