Tumindi pa ang pagbuga ng mga bato ng Bulkang Mayon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Paliwanag ng ahensya, bukod sa 265 rockfall events, naobserbahan din ang limang pyroclastic density current (PDC) events sa nakalipas na 24 oras.
Umabot din sa 1.5 kilometro ang lava na ibinuga ng bulkan.
Naitala rin ng Phivolcs ang ibinuga ng Mayon Volcano na 889 tonelada ng sulfur dioxide nitong Hunyo 18. Umabot naman sa 600 metrong taas ng usok ang namataan sa bunganga ng bulkan.
Dahil dito, nanawagan pa rin ang ahensya na iwasang pumasok sa 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) dahil sa nakaambang pagsabog ng bulkan anumang oras.
Nasa level 3 pa rin ang ipinaiiral alert status ng bulkan.