MANILA, Philippines — Inaresto ng mga awtoridad sa China ang tatlong Pinoy sa hinalang naniniktik umano at inaakusahang nagtatrabaho para sa Philippine intelligence agency upang mangalap ng classified information sa militar ng China.
Iniulat ng China Daily na isang Pinoy na alyas “David” na matagal nang residente sa China ang hinuli matapos umanong makitang paulit-ulit na tumatambay malapit sa mga pasilidad ng militar.
Sinabi sa ulat na may nag-uutos kay David at dalawang iba pang Filipino na kinilala sa mga pangalang Bert at Natalie.
Binanggit sa ulat na inaresto ang tatlo ng mga awtoridad matapos makuha ang mga ebidensya ng umano’y kanilang pagkakasangkot sa espionage.
Wala pang inilalabas na pahayag ang Philippine Embassy sa China, Department of Foreign Affairs (DFA), Department of National Defense (DND), National Security Council (NSC), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) tungkol sa ulat.
Nitong nakalipas na mga buwan, ilang Chinese nationals ang inaresto sa Pilipinas dahil sa hinalang nag-e-espiya sila.