Tinatayang 45% ng mga Pilipino ang nagsabing bubuti ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa susunod na 12 buwan, ayon sa Social Weather Stations (SWS) nitong Huwebes, Hunyo 1.
Sa tala ng SWS, 42% naman umano ang naniniwalang hindi magbabago ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa susunod na 12 buwan, habang 6% naman ang nagsabing lalala pa ang kanilang pamumuhay sa susunod na 12 buwan.
Samantala, 7% umano ang hindi nagbigay ng sagot sa nasabing usapin.
Tinawag ng SWS na “Optimists” ang mga naniniwalang bubuti ang kalidad ng kanilang pamumuhay habang tinatawag nitong “Pessimists” ang mga nagsabing lalala ang kanilang pamumuhay sa susunod na 12 buwan.
“The resulting Net Personal Optimism score is +38 (% Optimists minus % Pessimists, correctly rounded), classified by SWS as very high (+30 to +39),” anang SWS.
Mas mababa naman ng 6 puntos ang naturang March 2023 Net Personal Optimism kung ikukumpara sa datos na +44 noong Disyembre 2022.
Isinagawa umano ang nasabing survey mula Marso 26 hanggang Marso 29 sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas, at may sampling error margin na ±2.8%.
Kamakailan lamang ay inilabas din ng SWS na 46% ng mga Pilipino ang nagsabing hindi nagbago ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa nakalipas na 12 buwan.