Aabot sa 5 bilyong tao o higit sa 60% ng populasyon sa mundo ang aktibo ngayon sa iba’t ibang plataporma ng social media (socmed), ayon sa isang pag-aaral.
Sa pagtataya ng digital advisory firm Kepios kaugnay ng pinakahuling quarterly report, tumaas ng 3.7% ang mga users ng social media ngayong taon kumpara noong 2022.
Nabatid naman na nasa 5.19 bilyong tao o 64.5% ng world population ang gumagamit ng internet. Sa kabila nito, malaki ang pagkakaiba ng nakakagamit ng naturang teknolohiya base sa kinaroroonang rehiyon sa mundo.
Halimbawa, sa central Africa, isa sa 11 tao sa east at central Africa ang nakakagamit ng social media. Malayo ito sa India, na may 1 sa 3 tao na gumagamit ng socmed.
Tumaas rin ang haba ng oras na ginugugol ng tao sa social media na naitala sa 2 oras at 26 minuto kada araw.
Sa ngayon, may 3 nangungunang social media application ang Meta kabilang ang WhatsApp, Instagram at Facebook, na pinakasikat sa Pilipinas.
Mayroon ring tatlong apps ang China, kabilang ang We Chat, TikTok at ang lokal na bersyon nitong Douyin.
Kabilang naman sa mga nangungunang apps ang Twitter, Messenger at Telegram habang marami rin ang gumagamit ng Viber.