Pormal nang sinampahan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice (DOJ) ng dalawang bilang ng kasong murder ang limang indibidwal, na itinuturong nasa likod nang pagpatay sa beauty queen na si Geneva Lopez at kanyang Israeli boyfriend na si Yitzhak Cohen.
Mismong si PCol. Thomas Valmonte, hepe ng Legal Division ng PNP-CIDG, ang nanguna sa paghahain ng kaso laban sa limang respondents, na kinabibilangan ng dalawang dating pulis.
Dalawa umano sa mga suspek ang bumaril sa mga biktima habang dalawa ang kasamang nagtapon sa bangkay.
Ayon kay Valmonte, bukod sa kasong murder, mahaharap din sa kasong conspiracy ang mga suspek matapos na magpulong muna at umano’y planuhin ang pagpatay sa mga biktima.
“We actually filed the complaint for murder, two counts. That’s for the death of Yitshak Cohen and Geneva Lopez. And the complaint has been docketed already,” pahayag pa ni Valmonte. “And there are five respondents that are impleaded in the complaint.”
Una nang lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na isang dating pulis ang posibleng utak sa krimen.
Sinasabing may kinalaman ang pagpatay sa lupang isinanla ng dating pulis kay Lopez.
“Based sa investigation, iyong lupa ay sinangla ng respondents sa biktima and parang gusto bawiin nila ang lupa sa mga biktima… ‘Yung mga biktima parang ayaw naman nilang ibigay kasi siyempre meron binigay silang pera so dapat ibalik sa kanila ang pera,” ani Valmonte.
Dito na umano pinagplanuhan ang krimen kung saan may nagpanggap na buyer ng lupa at pinapunta ang mga biktima sa Barangay Sta. Lucia, Capas, Tarlac City kung saan natagpuan ang kanilang bangkay noong Hulyo 6. Hunyo 21 nang ireport na nawawala ang magkasintahan.