Matagumpay na naiuwi ng isang bagong milyunaryo mula sa Lungsod ng Quezon ang jackpot prize ng MegaLotto 6/45 matapos tumaya nang halos tatlong dekada — ang mga numero, galing daw sa mga birthday ng kanyang kamag-anak.
Sa pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ngayong Miyerkules, sinabing inuwi ng isang 50-anyos na lalaki ang kanyang papremyo nitong ika-10 ng Nobyembre matapos tamaan ang winning combination na 13-31-16-01-25-10.
“A devoted lotto patron for nearly 28 years, he initially harbored doubts about winning but remained committed to contributing to the PCSO’s charity fund to assist the less fortunate,” sabi ng PCSO kahapon.
“He plans to invest his winnings in various business ventures and allocate a portion for savings.”
Ika-6 ng Nobyembre nang ibola ang mga naturang numero. Sinasabing binili ng lalaki ang kanyang ticket mula sa isang lotto outlet sa Barangay Pinyahan, Quezon City.
Pagpapaalala ng PCSO, kinakailangang pirmahan ng winner ang kanilang winning ticket sa likod at maghanda ng dalawang valid government IDs para sa verification.
Kahit tinamaan ang P107.5 milyon, idiniin naman nilang kinakailangang buwisan ng 20% ang mga papremyong lalampas ng P10,000 sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Merong isang taon ang mga nanalo para kunin ang kanilang mga papremyo sa ilalim ng Republic Act 1169. Kinakailangang sa PCSO Main Office sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City kunin ang mga prizes na lampas P10,000.