Umabot na sa 5,000 na magsasaka ang apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng Mayon Volcano.
Ayon kay provincial agriculturist Cheryl Rebeta, ang nasabing bilang ay mula sa mga lugar na sakop ng 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) mula sa bulkan.
Ang mga lugar na nasa PDZ ay kinabibilangan ng Camalig, Daraga, Guinobatan, Ligao City, Malilipot, Tabaco City, Sto. Domingo, Bacacay at Legazpi City.
Madadagdagan pa aniya ang bilang ng mga magsasakang mawawalan ng pagkakakitaan sakaling itaas pa ang alert level status ng bulkan.
Aniya, malaking bahagi ng sakahan ang maaaring maapektuhan kapag sumabog ang bulkan.
Sa ngayon aniya, nagsasagawa pa sila ng imbentaryo sa mga munisipyo para sa iba pang magsasaka na inaasahang mabigyan ng ayuda o tulong mula sa pamahalaan.