Natagpuang patay ang isang 8-anyos na batang babae sa bakanteng lote sa Brgy. Gulang-gulang, nitong Miyerkules ng umaga, Mayo 31.
Ang biktima, residente ng Brgy. Kalilayan Ibaba, Unisan, Quezon, ay pumunta sa Lucena kasama ang kaniyang ama para makipagpista noong Mayo 30, at nanatili sa compound ng Quezon Medical Center (QMC) para magpalipas ng gabi.
Ayon sa ama ng biktima, inutusan ang bata na bumili ng kape bandang ala-1 o alas-2 ng madaling araw ngunit hindi na ito bumalik. Hinanap ang bata sa paligid ng nasabing barangay at nagtanong sa mga residente sa pamamagitan ng pagpapakita ng isang papel na may larawan, pangalan, at address ng biktima.
Dakong 11:10 ng umaga nang makita ni Julius Rodas ang bangkay ng biktima at agad itong humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay at nakipag-ugnayan sa Lucena City police.
Nakontak ang ama ng biktima at nagpunta sa lugar kung saan natagpuan ang biktima
Ang biktima ay hubo’t hubad, nakatali ang braso, may busal ang bibig, at may mga pasa sa katawan.
Ang mga imbestigador sa kaso na si PMSg. Jessalyn Nantes at PSSg. Blas John Gonzales ay nagsagawa ng site investigation kasama ang Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Hinihintay pa ng pulisya ang autopsy report kung ginahasa o hindi ang biktima bago ito pinatay ng hindi pa nakikilalang suspek.