Binalaan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Mina F. Pangandaman ang publiko na mag-ingat sa mga manloloko o scammers na nagpapanggap na opisyal ng DBM para makapanghingi ng malaking halaga ng pera.
Ang babala ni Pangandaman ay ginawa matapos ang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagresulta sa pagkakaaresto ng walong indibidwal na nagpanggap na mga opisyal ng DBM.
Ang mga suspek ay naaktuhan na nagloloko sa kanilang mga biktima sa pamamagitan ng mga pangako na bibigyan sila ng pondo o proyekto mula sa DBM kapalit ng malaking halaga ng salapi.
Ayon kay Pangandaman, hindi lamang sinisira ng mga suspek ang integridad ng institusyon sa kanilang panloloko kundi nakakapinsala pa sila sa mga inosenteng indibidwal.
Dahil dito kaya hinikayat ng kalihim ang publiko na mag-ingat at maging mapagbantay kapag may lumapit sa kanila at nagpakilala na opisyal o taga-DBM at kaagad itong isumbong sa mga otoridad.
“We will not tolerate such egregious deception,” ayon pa kay Pangandaman.
Nabatid na naaresto ng NBI ang mga suspek noong Marso 26,2024 sa ginawang entrapment operation sa Mandaluyong City habang nasa aktong tinatanggap ang marked money na nagkakahalaga ng P500,000 sa mga operatiba ng NBI.
Bago ang pagkakaaresto, nadiskubre na ang isa sa mga suspek ay nagpakilala bilang DBM undersecretary na may hawak sa mga special project ng ahensiya at pinangakuan ang complainant ng halagang P1.3 bilyon halaga ng proyekto.
Subalit nadiskubre ng complainant na walang record o wala sa listahan ng mga opisyal ng DBM ang nagpakilalang opisyal, dahil dito kaya agad nakipag ugnayan ang DBM sa NBI at naaresto ang mga suspek.