Iniutos na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na gawing 90 araw ang pamamahagi ng relief assistance sa libu-libong residenteng apektado ng pag-aalburoto ng Mayon Volcano.
Ito ay kasunod na rin ng paniniyak ni Marcos na mabibigyan ng agarang tulong ang mga apektadong local government unit (LGU) sa lalawigan.
“We will have to make up the difference for the continuing in terms of food, non-food items and all others that we have to make,” pahayag ni Marcos bilang tugon sa paglalahad ni Albay Governor Edcel Lagman na hanggang 14 araw lamang ang P30 milyong quick response fund (QRF) ng probinsya.
“Let us be prepared to take as much of the load as soon as possible off of the local government units para naman mayroon silang – malay natin magkabagyo pa, may mangyari pa, para mayroon silang reserba pa. Hindi natin uubusin ‘yung kanilang quick response fund,” ani Marcos nang pangunahan ang situation briefing sa Albay Astrodome nitong Miyerkules.
Bago pa isagawa ang nasabing briefing, binisita muna ng Pangulo ang mga evacuee sa Guinobatan Community College evacuation center upang alamin ang kanilang sitwasyon.
Kaugnay nito, inihayag naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na inihahanda na nila ang assistance package na inihirit ng provincial government ng Albay para sa mga inilikas.
Sa ulat naman ng Philippine Institute of Seismology and Volcanology, nasa 306 pa na rockfall events, dalawang pagyanig at tatlong pyroclastic density current (PDC) events ang naitala sa bulkan sa nakaraang 24 oras.