Pinaulanan ng bala at pinasabugan ng granada ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang opisina ng Drug Enforcement Unit ng Northern Police District sa Dagat-dagatan, Caloocan City nitong Sabado.
Sa ulat ni Luisito Santos ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Northern Police District Director Police Brigadier General Rogelio Peñones na nangyari ang insidente bandang 2 a.m.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nasa loob ng opisina ang ilan sa mga naka-duty na pulis nang mangyari ang insidente.
Walang napaulat na sugatan o nasawi sa pag-atake, ngunit nasira ang ilang bahagi ng opisina, partikular ang hagdanan sa labas nito.
Sinabi ni Peñones na tatlong suspek na ang kanilang tinitingnan, na itinuturing ding persons of interest.
Ilan sa mga nakikitang motibo ng NPD sa insidente ang posible umanong paghihiganti ng ilan sa mga naarestong kriminal matapos ang sunod-sunod na operasyon kontra ilegal na droga at high-value individuals.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at backtracking ng mga pulis upang matukoy ang mga posibleng nasa likod ng insidente.