Arestado ang isang Chinese national matapos magbenta ng mga pre-registered SIM card na umaabot ng hanggang P500,000 ang halaga at ginagamit para makapang-scam sa Parañaque City.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nadakip ang suspek ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation–Pampanga matapos bentahan ang kanilang undercover operative ng pre-registered SIM sa halagang P3,000 hanggang P6,000 na pinapasa sa mga POGO company para magamit sa scam.
Ang mga SIM naman na may espesyal na numero ay umaabot ng hanggang P500,000 ang presyo.
Nakita ng mga awtoridad ang assorted SIM cards sa ads sa social media, na ipinagmamalaking pre-registered na.
Nang isalang sa pre-registration ang mga SIM, lumabas na rehistrado na sa ibang pangalan ang 20 SIM cards.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang nadakip na Tsino.
Base sa SIM Registration Law, ipinagbabawal ang pagbebenta o pag-transfer ng rehistradong SIM.
Kinasuhan na ang salarin ng paglabag sa Civil Registration Act na may parusang kulong na anim na buwan hanggang anim na taon.
Nagpaalala ang DICT na huwag kumagat sa mga fixer na nag-aalok irehistro ang SIM kapalit ng bayad.
Libre ang pagpaparehistro ng SIM, at dapat makipag-ugnayan sa telco provider kapag gusto ng special number.