Makikipagpulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Huwebes, Mayo 25, kasama ang mga opisyal ng disaster management ng National Capital Region (NCR) para pag-usapan ang paghahanda sa posibleng masamang epekto ng super bagyong “Mawar”.
Sinabi ni MMDA acting chairman Don Artes na ang pagpupulong ay naglalayong makabuo ng mga plano at istratehiya upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente ng Metro Manila sa sandaling makapasok si “Mawar” sa area of responsibility ng bansa.
Kapag nakapasok na ito sa Philippine area of responsibility posibleng sa weekend, si “Mawar” ay tatawaging Betty, ang pangalawang bagyong pumasok sa bansa ngayong taon. Bagama’t walang pagtataya na magla-landfall ito sa Pilipinas, sinabi ng mga eksperto sa panahon na magdudulot ito ng masamang kondisyon ng panahon sa karamihang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Artes na inaasahang dadalo ang mga pinuno at kinatawan ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC).
“Ipapakita rin ng ahensya ang iba’t ibang kagamitan sa pagsagip para sa posibleng pagpapadala sa panahon at pagkatapos ng bagyo,” sabi ni Artes.
Inaasahan ding dadalo ang Disaster Risk Reduction and Management Councils ng 17 LGUs ng Metro Manila.