Limang menor de edad ang nasagip ng mga awtoridad mula sa umano’y pambubugaw sa kanila ng sarili nilang ina sa bayan ng Dinalupihan, Bataan.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), na-rescue nila ang mga bata noong Martes sa kanilang tirahan sa Dinalupihan sa isang operasyon kasama ang mga personnel mula sa Inter-agency Council Against Trafficking at Municipal Social Welfare Development Office-Bataan.
Doon naaresto din ang ina ng mga biktima.
Ayon sa NBI, nagkasa sila ng operasyon matapos makakuha sila ng ulat mula sa Australian Federal Police na naaresto ang isang Australian na kakagaling sa Thailand at kinasuhan ng child exploitation.
Ayon sa Australian Federal Police, nakuhanan ang suspek ng tatlong gadget na naglalaman ng child abuse materials. Mga Pilipinong bata umano ang mga biktima, kaya nila ito iniulat sa NBI.
“On 20 April 2023, Federal Agent from Australian Federal Police who is currently assigned in Manila furnished the BI agent-on-case the USB, which contains the WhatsApp conversation of the respondent and arrested Australian, copy of video, and image files that were extracted from the seized electronic devices of the arrested Australian national,” ayon sa isang pahayag ng Department of Justice.
Ayon sa mga awtoridad, ilang smartphones na may lamang child sexual abuse materials ang nakuha sa ina ng mga bata.
Na-inquest na umano ang suspek na nahaharap sa mga kasong paglabag ng Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials, Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, at Anti-Child Abuse Law.
Ilalagay naman sa pangangalaga ng MSWDO sa Bataan ang mga bata.
Nanawagan ang DOJ sa publiko na kontakin ang mga sumusunod para sa kung sino man ang nakakaalam na sexual victims na kailangang tulungan:
- Hotline: 1343 Actionline
- Social media: IACAT Facebook messenger
- Email: secretariat@acat.gov.ph.