Inirekomenda ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagpapanatili ng fishing ban sa tatlong lugar sa Oriental Mindoro dahil sa epekto ng oil spill na dulot ng paglubog ng MT Princess Empress kamakailan.
Tinukoy ng BFAR ang Pola, Pinamalayan, at Naujan.
Idinahilan ng ahensya, nakitaan pa rin ng bakas ng langis ang karagatang sakop ng mga naturang bayan.
“The latest analyses of the DA-BFAR showed that traces of oil and grease in water samples slightly increased in all sampling sites in comparison to the baseline data, but these were still within the standard limit of <3.0 mg/L for Class SC waters or those suited for boating and fishing activities, as well as fish propagation intended for commercial and sustenance purposes,” banggit ng BFAR. Nauna nang binanggit ng BFAR na ligtas nang mangisda sa Calapan, Bansud, Gloria, Bongabong, Bulalacao, Mansalay, Roxas, Baco, Puerto Galera, at San Teodoro. Nitong Pebrero 28, lumubog ang nasabing oil tanker sa karagatang sakop Naujan habang bumibiyahe patungong Iloilo mula Bataan, karga ang 800,000 litrong industrial fuel oil, matapos hampasin ng malalaking alon.