Patay ang isang 7-anyos na batang lalaki at tatlo pang katao sa apat na magkakahiwalay na insidente ng pagkalunod sa lalawigang ito, ayon sa ulat nitong Lunes, Mayo 29.
Kinilala ang batang Biktima na si DA, residente ng Brgy. Sta. Lucia, Novaliches, Quezon City; Alejandro Delos Santos, 47, karpintero, at residente ng Brgy. Burol Main, Dasmariñas City, Cavite; Joshua Atienza, 18, binata, estudyante, at residente ng Tierra Monde, Sariaya, Quezon; at Jhoniebel Estaño, 26, binata, driver, at residente ng Judge Juan Luna 74 Quezon City, ayon sa ulat ng Batangas Police Provincial Office (BPPO).
Base sa police report, si DA ay kasama ng kaniyang pamilya sa Berna Beach Resort, Apacible Boulevard, Barangay Bucana, Nasugbu.
Siya ay natagpuan ni Jonson Calimbo na sumisid sa pool at napansing may dumampi sa kaniyang paa sa ilalim ng tubig bandang 7:34 ng gabi noong Mayo 29. Agad niya itong iniahon at ipinadala sa ospital ngunit idineklara itong patay. Dagdag pa sa ulat ng pulisya, walang lifeguard ang naka-duty sa mga oras na ito.
Si De Los Santos naman ay nalunod sa La Althea Beach Resort, Barangay Papaya, Nasugbu, bandang 7 ng gabi habang nasa family outing noong Mayo 28.
Ayon pa sa ulat sumisid umano ang biktima sa dagat, ngunit makalipas ang ilang minuto nakita ito ng kaniyang kasamahan na lumulutang. Pinagtulong-tulungan itong iahon sa tulong ng may-ari ng resort at itinakbo sa ospital ngunit idineklara itong patay.
Sa bayan ng San Juan, Si Atienza, kasama ang kaniyang nobya sa baybayin ng Barangay Poctol, ay naligo sa ilog ngunit dahil sa lakas ng agos ng tubig ay tinangay ito sa malalalim ng bahagi dakong 5:30 ng hapon noong Mayo 29. Nakita siya ng kaniyang kasintahan na nalulunod at humingi ng tulong.
Narekober siya ng mga rumespondeng miyembro ng Quick Response Team ng San Juan MDDRMO at dinala sa ospital ngunit binawian na ito ng buhay.
Samantala, noong Mayo 28 bandang alas-2 ng hapon, nagkaroon si Estaño ng outing sa Half Moon Beach Resort sa Barangay San Diego sa bayan ng Lian kasama ang kaniyang mga kaibigan at pagkatapos ay nag-inuman.
Matapos ang inuman na tumagal umano ng tatlong oras, pumunta ang biktima at sa kaniyang mga kasama sa dalampasigan at lumangoy dakong alas-9 ng gabi.
Nang lisanin na ng grupo ang resort, napansin nilang nawawala si Estaño at agad na ipinaalam sa may-ari ng resort.
Ang mga kasamahan ng biktima at tauhan ng resort ay nagsagawa ng paghahanap at matapos ang tatlong oras dakong alas-11 ng gabi, natagpuan nina Renato de los Reyes at Edward Suerte ang biktima sa baybayin ng nasabing lugar ngunit ito ay binawian na ng buhay.