Nasa blue alert status ang Office of the Civil Defense (OCD)-Bicol matapos itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 2 ang alert status ng Bulkang Mayon sa Albay nitong Lunes, Hunyo 5.
Ayon kay OCD-Bicol Assistant Regional Director Jsar Adornado, nakaantabay ang lahat ng unit bilang paghahanda sa posibleng pagsabog sa ilalim ng blue alert.
Binanggit din ni Adornado na isinasagawa na ang mahigpit na koordinasyon sa pamahalaang panlalawigan ng Albay at Phivolcs.
“Hihingi kami ng contingency plan ng lalawigan ng Albay kung saan ilalagay ang evacuation centers,” ani Adornado.
Samantala, inabisuhan ng Legazpi City Disaster and Climate Change Resilience Council (DCCRC) ang lahat ng barangay DRRM sa kalapit ng mga dalisdis ng Bulkang Mayon na magsagawa ng pre-disaster risk assessment at magsumite ng anumang updated na datos sa populasyon na nasa panganib sa City DRRMO. Pinapayuhan din silang suriin ang contingency plan para sa Mayon Volcano eruption at manatiling maging updated sa early warning system sa pamamagitan ng Phivolcs bulletin.
Mahigpit naman umanong ipinagbabawal ang ATV rides, hiking, mountain climbing, and quarrying sa Mayondahil sa tumaas na posibilidad ng biglaang steam-driven o phreatic eruption at mga panganib na dulot ng rockfall events nito.