Sinimulan ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang talumpati sa isang event ng Office of the Vice President (OVP) sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pagmamahal kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ngunit tumanggi siyang banggitin ang “middle initial” ng pangulo na may katumbas na “Romualdez.”
Ito umano ang maaaring paraan ni Duterte upang ipahiwatig ang umano’y hidwaan sa pagitan niya at ng makapangyarihang angkan ng Romualdez.
Romualdez ang middle name ni Marcos dahil sa nanay niyang si Imelda na tiyahin ni House Speaker Martin Romualdez, ang pinsan ng Pangulo.
Habang pinasalamatan niya si Marcos para sa suporta nito sa OVP, dinagdagan ni Duterte ang mga alingawngaw ng lamat sa UniTeam.
“Hindi ko na banggitin ang middle initial niya… Mahal ko si apo BBM,” ani Duterte nitong Lunes, Hunyo 5, sa event ng OVP na “Pasidungog.”
“Alam mo, apo, alam mo ‘yan na mahal kita,” dagdag niya.
Ang Apo ay isang Ilokano na ginagamit upang tawagin nang may paggalang ang isang nakatatandang tao.
Samantala, ang pagtanggi ni Duterte na banggitin ang middle initial ni Marcos ay maaaring maging tanda umano ng tensyon sa pagitan niya at ng House Speaker, na iniulat na siyang nasa likod ng pagpapatalsik kay dating pangulo at Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo mula sa posisyon ng senior deputy speaker matapos daw niyang sinubukang maglunsad ng kudeta.
Si Arroyo ang mentor ni Duterte at isa sa mga lumikha ng Marcos-Duterte tandem na sa huli ay nakakuha ng pinakamataas na boto sa elektoral at naghatid sa parehong opisyal sa mga nangungunang posisyon sa bansa.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Duterte kung paano sila naging malapit ni Marcos noong panahon ng kampanya noong 2022 at kung paano sila nagtawanan tungkol sa “private jokes.”
Ibinahagi ng bise presidente kung paano nila nabuo ang kanilang pagkakaibigan, at kung paano pa umano niya pinayuhan ang pangulo hinggil sa kababaihan at kapangyarihan.
“And noong malapit na matapos ang kampanya, I told him, sabi ko, ‘Apo, when you become president sabi ko, mag-ingat ka, dahil there are certain segments of the female population that are attracted to power and men in power’,” saad ni Duterte.
“I told sabi him na mag-ingat ka kasi madadagdan ang mga anak mo… So, that’s how we know develop our friendship. And I said I want you all to know mahal na mahal ko si apong BBM,” dagdag niya.
Inorganisa ang Pasidungog event ng tanggapan ni Durterte upang magbigay-pugay umano sa mga katuwang nito para sa pagpapatupad ng mga proyekto ng OVP.
Ang Pasidungog ay isang terminong Bisaya na ang ibig sabihin ay magbigay ng pagkilala at karangalan.