Lumagda ng isang memorandum of understanding (MOU) sina Manila Mayor Honey Lacuna at Guangzhou, China Mayor Guo Yonghang, na ang layunin ay i-renew ang 40-year sister-city relations ng dalawang lungsod.
Nabatid nitong Martes na nag-courtesy visit ang Guangzhou delegation kay Lacuna, na sinamahan nina city administrator Bernie Ang, Manila-China Affairs Coordinating Office (MCACO) officer Anna Sy Lim at Manila Chinatown Development Council (MCDC) liaison officer Owen So.
Sila, kasama ang ilan pang city officials na sina Manila Sports Council (MASCO) head Roel de Guzman, permits bureau chief Levi Facundo, tourism chief Charlie Dungo, Universidad de Manila president Ma. Felma Carlos-Tria at division of city schools Supt. Rita Riddle, ay sumaksi sa simpleng seremonya ng paglagda sa kasunduan na ginawa sa tanggapan ng alkalde sa City Hall.
Ang Chinese delegation ay pinangunahan naman ng deputy director-general ng Foreign Affairs Office ng Guangzhou China na si Hongzhe Tu at Zewu Liu, Vice President ng China Council for the Promotion of International Trade, Guangzhou Committee.
Nakasaad sa MOU ang matagal at matatag na relasyon ng pagtitiwala at respeto ng dalawang lungsod, sa pamamagitan ng aktibong palitan sa iba’t-ibang larangan.
Dahil dito ay nanatili ang dalawang siyudad sa matapat, pagpapatuloy at pagpapalago ng pagkakaibigan at kolaborasyon, para sa parehong pakinabang ng mga mamamayan nito.
Layunin din nito na magkasamang galugarin at suportahan ng dalawang lungsod ang mga bagong larangan ng kooperasyon at palitan ng mas malawak na larangan ng komersyo, edukasyon at tulad ng information technology, digital technology, green technology, tourism financial services, business operations, sustainability at biotechnology.
Kapwa naman nagpahayag ang dalawang alkalde ng kagustuhan para sa mabungang kooperasyon sa larangan ng economy, trade, culture, education at people-to-people exchanges.
Binanggit din ni Lacuna ang tulong na ibinigay ng China government sa Maynila noong kasagsagan ng pandemya sa pamamagitan ni Ang.
Matatandaan na ang Maynila lamang ang tanging local government sa bansa ang direktang pinayagang bumili ng 400,000 doses ng Sinovac vaccines mula China.
Ani Lacuna, malaki ang naitulong nito sa kampanya ng Maynila na mas marami ang mabakunahan na nagbigay daan para mas mabilis na matamo ang population immunity.