Muling nanawagan ang isang obispo ng Simbahang Katolika upang mabigyan ng clemency at mapalaya si Mary Jane Veloso, ang Pinay na nasa death row sa Indonesia matapos na masangkot sa drug trafficking.
Ikinatwiran ni Balanga Bishop Ruperto Santos, vice chairman ng Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), matagal na ang naging pagdurusa ni Veloso sa bilangguan.
Umapela rin ang obispo sa mamamayan na manalangin upang kaawaan ng Indonesian government si Veloso.
“Let us pray hard that, in the name of mercy, the Indonesian government would grant clemency to Mary Jane Veloso,” ani Santos, sa isang pahayag sa website ng CBCP nitong Martes. “May our almighty God touch the hearts of those people and decide what is beneficial and do what is best for MJ,” lahad pa ni Santos.
Kamakailan, binisita ng kanyang mga magulang at mga anak si Veloso habang nakakulong sa Yogyakarta prison at ibinunyag na sumailalim ang Pinay sa surgery upang tanggalin ang kanyang ovarian cyst.
Labis namang nalulungkot ang pamilya dahil natukoy ng mga doktor na bumalik ang naturang ovarian cyst kaya’t muling humiling si Veloso at ang Indonesian authorities ng panibagong hospital check-up.
Naniniwala naman si Santos na dahil sa medical condition ni Veloso ay may mas dahilan upang bigyan siya ng pardon.
Noong 2010, pinatawan ng bitay si Veloso matapos na mahuling nagpupuslit ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia.
Patuloy namang naninindigan si Veloso na biktima lamang siya ng human trafficking at nalinlang upang magbitbit ng maleta sa eroplano na hindi niya alam na may laman pala na ilegal na droga.