Viral ngayon sa social media ang isang video na nagpapakitang pinosasan ang komedyanteng si Awra Briguela sa isang bar sa Makati nitong Huwebes, Hunyo 29, matapos ang isang kaguluhan.
Makikita sa video ang pagresponde ng Makati City police sa kaguluhan sa labas ng Bolthole Bar in Poblacion, Makati City, at maging ang pagposas kay Awra, 19.
Sa ulat ng ABS-CBN News, ayon umano sa inisyal na imbestigasyon ng Makati PNP, iginiit ng lalaking nakaalitan ni Awra na sinabihan siya ng grupo nitong alisin ang kaniyang damit pang itaas.
Kuwento pa umano ng lalaki, tumanggi siya sa nais ng grupo ni Awra saka lumabas ng bar.
Nagalit daw ang grupo at doon na umano nagsimula ang gulo sa labas ng naturang bar. Sinabi pa ng lalaki na pinunit pa raw ni Awra ang kaniyang damit.
Ayon kay Southern Police District Director B/Gen. Kirby Kraft sa ulat din ng ABS-CBN News, rumesponde ang mga pulis sa komosyon, ngunit naging agresibo raw si Awra. Pumalag daw ito at pinagmumura pa raw ang mga pulis.
Nasa kustodiya ng Makati PNP si Awra na nahaharap umano sa mga kasong alarm and scandal, physical injuries, direct assault, at disobedience of person in authority.
Samantala, dinipensahan naman ng kaniyang mga kasama si Awra at iginiit na dinipensahan lang nito ang kaniyang mga kaibigang binastos daw ng lalaking nakasangkot sa naturang gulo.
Sa isang Instagram story, sinabi ng content creator na si Zayla Nakajima na ipinagtanggol lamang sila ni Awra mula sa lalaking nang-harass sa kaniya at sa isa pa nilang kaibigan.
“After this harassment against me and my friend Mary Joy– my dear Awra confronted the guy very calmly to the party to defend me and our friend,” ani Zayla.
Ang naturang lalaki rin daw ang naunang sumuntok kay Awra, bagay na dinipensahan umano ng komedyante, at doon na raw ang nagsimula ang gulo na naabutan ng mga pulis.
“The handcuffing clips circulating online tolerated negative versions of the story and this is something we don’t take lightly. We are filing a strong case against this abuser and best hope this truth reveals what truly happened,” saad pa ni Zayla.