Nakakulong na ang isang aktibong pulis at isa pang kasamahan nito matapos arestuhin ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) dahil sa pagbebenta ng mga hindi lisensyadong baril sa Batangas kamakailan.
Ang dalawang suspek ay kinilala ng pulisya na sina Police Senior Master Sergeant Carlito Chavez Escorsa, Jr., nakatalaga sa Sto. Tomas Police Station sa Batangas, at Ramil Funtanar Esperanzate, dating security guard.
Nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang dalawang suspek matapos madakip sa buy-bust operation sa Barangay San Antonio, Sto. Tomas, Batangas nitong Hunyo 28 ng umaga.
Nasamsam ng pulisya ang isang M16 Rifle (Colt); limang mahabang steel magazine ng M16 rifle; 67 rolyo ng bala ng M16, dalawang cellular phone at marked money.