Umaapela sa publiko ang isang kompanya na mag-ingat sa mga nagpapakilalang Board of Directors at opisyal na umano’y konektado sa kanila gamit ang mga pekeng dokumento.
Sa isang public Advisory, sinabi ng kompanyang Xinguang Realty Corporation na may office address sa No. 338 Latina St., Pulang Lupa Dos, Las Piñas City na hindi konektado sa kanila sina Nanie Wang, Zhaoyao Su, Lily Tan Chi, Junxiong Chen, Vergel Aguilar I, Mary Ann Surio Macabidang at Wesley Uy Tan.
Ayon kay Jimmy Lim, isa sa mga opisyal ng kompanya, nagawa umanong palitan ng mga nabanggit na indibidwal ang Certificate of Incorporators na nasa Securities and Exchange Commission habang kasagsagan ng pandemic noong 2020.
Isang Richard Ng umano ang gumawa nito at siya rin ang namahala sa naturang compound sa loob ng tatlong taon.
Kinontrol umano ni Ng ang buong operasyon sa pitong gusali at ginamit niya sa mga transaksyon.
Sinamantala umano nila ang pananatili sa Taiwan ng mga orihinal na may-ari at opisyal ng kompanya at pineke umano ng mga ito ang lahat ng dokumento para angkinin na nila ang naturang kompanya.
Makalipas ang dalawang taon na pandemic, bumalik ng Pilipinas ang mga may-ari at doon nila natuklasan na wala na sa kanilang kontrol ang pamamalakad ng Xinguang Realty Corporation.
Agad humingi ng tulong sa mga awtoridad ang grupo ni William Lu para magsampa ng kaso sa korte at SEC upang ipawalang bisa ang mga dokumento na pineke ng mga suspek.
Noong Lunes ng gabi, sinalakay ng Anti Cyber crime Group ng PNP ang compound ng naturang kompanya at natuklasang ginagamit na ito sa illegal offshore gaming operations kung saan hindi bababa sa mahigit dalawang libong dayuhan ang naaresto.