Inatasan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang Disaster Response Management Group (DRMG) na tiyakin ang agarang pagdating ng mga suplay na family-food packs (FFPs) sa mga DSWD warehouse sa Bicol Region.
Partikular na inutos ni Gatchalian kay DRMG Asst. Secretary Marlon Alagao na tiyaking matatapos ang pamamahagi ng rasyon ng family food packs sa lahat ng mga apektadong LGUs bago sumapit ang July 2.
Nakalaan ang second wave ng FFPs ng DSWD sa mga apektado ng pag-a-alboroto ng bulkan Mayon mula July 2-17.
Kasunod nito, pinatitiyak rin kay Alagao na madaragdagan ng suplay ng relief goods ang warehouse ng DSWD sa Matnog, Sorsogon para mas mabilis ang augmentation ng ahensiya sa Albay.
Nitong June 29, aabot na sa 6,000 family food packs ang naideliver ng DSWD Bicol Regional Office sa warehouse sa Matnog habang patuloy ang pamamahagi ng FFPs ng ayuda sa Mayon-affected families.
Kabilang sa nabigyan ng ayuda ang mga nanunuluyan sa Camalig evacuation centers habang target ring mabigyan ng second wave ng FFPs ang bayan ng Malilipot, at mga siyudad ng Tabaco, Ligao at Daraga.