Halos 15 milyon na mga Pilipino ang nanganganib umanong magkaroon ng oral diseases at posibleng mauwi sa oral cancer dahil sa patuloy na paninigarilyo, ayon sa health advocate group.
Sinabi ng grupong Health Justice Philippines, sa pagbanggit sa 2021 Global Adult Tobacco Survey, sa Pilipinas ay nasa 19.5% o 15.1 milyon ang tobacco users na edad 15 pataas kung saan 14.4 milyon sa kanila ang naninigarilyo ng mga produktong tabako.
Bilang karagdagan, sinabi ng grupo, 3.9% lamang ng mga kasalukuyang naninigarilyo ang ganap na huminto sa bisyo habang 63.7% ay nagpaplano pa rin na huminto.
“Quit smoking and using all forms of tobacco as a first step to ease the burden of oral diseases. Improve your oral hygiene and prevent further damage to your teeth, gums, tongue and mouth by seeking guidance from your dental healthcare provider so you can reverse or treat any adverse effect you are experiencing. As a bonus, this might just restore your most pleasant smile,” ani Dr. Jaime Galvez Tan ng Health Justice Philippines.
Ipinaliwanag niya na sa simula pa lamang ay mabahong hininga na ang makukuha sa paninigarilyo, maninilaw o brown ang mga ngipin na madaling kapitan ng pagkabulok at kapag namaga ang gilagid ay maari nang maging sanhi ng gum disease.
Batay sa Center for Disease Control and Prevention (CDC), ang paggamit ng tobacco products ay mas malaki ang panganib na magkaroon ng oral cancer.
Lumalabas din na ang pagkabulok ng ngipin ay mas mataas mula sa mga naninigarilyo at mabungi.
Sa datos ng CDC, 44% adult smokers (25-64 taong gulang) ang may bulok na ngipin habang 43% na older adult (65-anyos pataas) ay wala ng ngipin.
Nasa 1.13 bilyon naman ang naninigarilyo globally, kung saan nasa 7.4 milyon ang nasawi bunga ng paninigarilyo.