Kinastigo ng Supreme Court (SC) ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at ang prosecutors dahil sa umano’y sablay na paghawak ng ebidensya at paglilitis laban sa limang Chinese nationals at isang Pilipino na itinuturong miyembro ng isang sindikato ng iligal na droga at nahulihan ng P1 bilyong halaga ng shabu sa Valenzuela City.
Sa SC en banc decision na pinonente ni Chief Justice Alexander Gesmundo nitong Pebrero 21 at isinapubliko nitong Hunyo 30, binaligtad ang desisyon na pagkakulong laban kina Robert Uy, Fil-Chinese at James Go, alyas Willie Gan, isang Chinese national, dahil sa teknikalidad sa ebidensya ng operasyon noong Nobyembre 11, 2003 kung saan nasa 119 kilos ng shabu ang nasabat.
Noong 2014, hinatulan si Uy ng habambuhay na pagkakulong at isinama sa desisyon si Gan, dahil sa posesyon ng kilo-kilong iligal na droga. Dito umapela si Uy hanggang sa umabot sa SC ang kaso.
Ayon sa SC, nabigo ang prosekusyon na mapatunayan ang elemento ng posesyon ng mga suspek sa sinalakay na bodega at sa laman nito. Wala rin umanong sapat na ebidensya ang mga umarestong opisyal na nagpapakita na sumunod sila sa mga mandatory requirements ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sinabi ng SC na mayroon umanong mga patlang sa “chain of custody” sa mga nasabat na kontrabando habang magkaibang opisyal ang pumirma sa karton na kahon at plastics bags na naglalaman ng mga iligal na droga at wala ring ‘inventory receipts’ ang pulisya.
Hindi rin kinilala ang investigating officers sa magkahiwalay na operasyon habang nawawala rin ang ‘third chain’ o pagpasa ng iligal na droga sa forensic chemist para sa laboratory examination.
Sinabi rin ng SC na may “ignorance” rin ang prosekusyon na humawak ng kaso dahil sa pagkabigo na itama ang mga mali sa ebidensya ng mga pulis para makasunod sa itinatadhana ng batas.