Binigyan ng ultimatum ng kampo ng mga biktima ng umano’y human trafficking sa sinalakay na POGO sa Las Piñas nitong Hunyo 26 ang pamunuan ng Philippine National Police ( PNP).
Nabatid na nagpadala ng bagong demand letter si Atty. Ananias Christian Vargas, kinatawan ng Xinchuang Network Technologies Inc., na nag-uutos sa mga pulis na lisanin ang nasabing premises sa loob ng 24 oras.
Nais din ni Vargas na ibalik ang nasa 124 safety deposit boxes o vaults na kinumpiska at sinira umano ng mga pulis, kasama na ang pagbabayad sa mga pinsala na idinulot nito.
Lumilitaw na hindi naman sakop ng search warrant ang mga vaults subalit ito umano ay sapilitan nilang binuksan at kinuha.
Iginiit pa ng kampo ng mga biktima na hindi na rin sakop ng hurisdiksyon ng PNP ang kaso at ang Bureau of Immigration (BI) na ang may kustodiya sa mga foreign nationals.
Paliwanag pa ng abogado na ang pagpigil sa mga banyaga na makalabas ng premises ay malinaw na paglabag sa kanilang karapatan at maituturing na arbitrary at illegal detention.
Dagdag pa ni Vargas na pitong araw na mula ng salakayin ng mga otoridad ang nasabing establisimyento kaya dapat ay tapos na ang isinasagawa nilang documentation.