Inaasahan na ipag-uutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lalong madaling panahon ang pagtanggal sa COVID-19 public health emergency, ayon sa Department of Health.
Bagaman at hindi pa tiyak kung kailan pormal na ipag-uutos ni Marcos ang pagtanggal sa COVID public health emergency, ipinaliwanag ni Health Secretary Ted Herbosa sa press briefing sa Malacañang na parang naka-lift na rin ito at optional na lamang ang pagsusuot ng face mask.
“Wala pang formal order. We’re still waiting for a formal order. De facto naman tayo di ba? Nagpunta ako sa mall, wala nang nagma-mask…Yeah, I think he is (ipag-uutos),” ani Herbosa.
Ang utos din aniya ng Pangulo ay makabalik sa normal ang ekonomiya lalo pa’t marami ang nawala dahil sa mga restrictions na dala ng COVID pandemic.
Ayon pa kay Herbosa, binanggit din niya sa pulong ng Gabinete na ang COVID-19 ay itinuturing na lamang na katulad ng ibang mga sakit katulad ng sipon at ubo.
Pero nilinaw ni Herbosa na dapat pa ring protektahan ng mamamayan ang kanilang sarili at kailangan pa ring magpabakuna.