Makakaranas ng mas pinagandang customer service policy ang mga pasahero ng Cebu Pacific sa susunod na buwan makaraang mapagpasyahan ng pangasiwaan ng naturang airline company na tanggalin na ang expiration date sa kanilang travel fund at palawigin pa ang bisa ng travel vouchers ng 18 buwan.
Inianunsyo ni Cebu Pacific president and chief commercial officer Alexander Lao sa panayam sa radio na magmula Agosto 1, 2023, wala ng expiration date ang travel fund na siyang ibinibigay ng kumpanya bilang credit kapalit ng mga abala sa pasahero sanhi ng mga flight delays at cancelled flights.
Maaring magamit ang travel fund ng naturang pasahero o ipagamit sa kanyang kaibigan o kapamilya sa mga susunod na pagsakay sa Cebu Pacific.
“Wala na pong expiration date ang travel fund, available na po ito sa lahat ng Cebu Pacific passengers indefinitely,” ayon kay Lao.
Pinalawig din ng Cebu Pacific ang dating anim na buwang validity ng travel voucher nila at ngayon ay maari na itong magamit ng pasahero ng naturang airline company sa loob ng 18 buwan.
“Para sa mga pasahero namin na naabala dahil sa mga interruptions ng flight operations, maaari silang mag-claim ng round-trip travel voucher kung umabot ng 7 -hours ang kanilang flight cancellation at one-way travel voucher naman kapag na-delay ang flight ng apat hanggang anim na oras,” ayon pa kay Lao.
Umani ng maraming magagandang reaksyon mula sa mga netizens ang magandang anunsyong ginawa ni Lao.
Nilinaw din ni Lao na mula pa noon ay nananatiling walang bayad ang rebooking ng flight ng Cebu Pacific basta huwag itong lalagpas ng 30 days.
“Wala pong katotohanan na pinagkakakitaan namin ang mga cancelled na flights, libre pa din po within 30 days ang rebooking,” sabi pa ni Lao.
Ayon kay Lao, higit sa lahat, prayoridad ng Cebu Pacific ang kaligtasan ng mga pasahero at hindi nila ito ipagpapalit sa anumang halaga ng kita.
“Hindi katanggap tanggap sa amin na ituloy ang flight dahil lang sa schedule kahit alam pa natin na may banta sa seguridad at kaligtasan ng pasahero, o anumang sitwasyon na makakaapekto sa kaligtasan ng lahat gaya ng masamang panahon o bomb threat tulad ng nakaraang araw kung saan obligado kaming i-delay ang flight hangga’t hindi namin na-check ulet ang lahat ng bagahe ng pasahero,” ayon pa kay Lao.