Hindi na ma-access sa video sharing platform na TikTok ang account ng “Appointed Son of God” at Kingdom of Jesus Christ Church leader na si pastor Apollo Quiboloy, ito ilang araw matapos maligwak sa YouTube dahil sa paglabag sa community guidelines.
Ito ang ibinahagi ng Twitter user na si @DuterteWatchdog matapos niyang ireklamo sa TikTok ang spiritual adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte — na siyang wanted ngayon ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa “sex trafficking ng mga bata.”
“It seems that TikTok has taken down Pastor Apollo Quiboloy’s account after I have tipped them with the FBI warrant and the Global Magnitsky Act sanctions,” sabi niya sa isang Tweet nitong Martes nang umaga.
“Tiktok was the only network that has reacted to my mails. @Twitter @Facebook @InstagramComms didn’t care to answer (yet).”
Sa kanyang e-mail na ipinadala sa legal department ng TikTok, makikitang inireklamo ang account na @pastor_acq dahil sa “karumal-duumal na krimen” gaya ng “panghahalay ng mga batang nasa 11-anyos.”
Ang naturang account ay dati nang i-prinomote ng religious leader, na siya ring founder ng kumpanyang media na Sonshine Media Network International (SMNI), sa kanyang Facebook page bilang opisyal na TikTok.
“I would therefore also ask you to consider permanently removing Apollo Quiboloy’s accesses,” dagdag ng Twitter user.