Inanunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na mahigit 50,000 Pilipino ang nakinabang sa mahigit P350 milyon na tulong medikal na kanilang ipinaabot para sa ikalawang quarter ng taong ito.
“Nais po naming ibalita na umabot sa 53,646 ang mga kababayang natulungan natin sa pamamagitan ng Medical Access Program (MAP). Nasa P354,149,017.33 po ang katumbas na halaga nito,” ani PCSO Chairman Junie E. Cua.
Ang mga numero, na naka-post sa PCSO website at social media account, ay mula Abril 3 hanggang Hunyo 23.
Binanggit ni Cua ang patuloy na tungkulin ng ahensya sa pagtulong sa mga pamilyang Pilipino na mabayaran ang mataas na halaga ng pagpapagamot sa kanilang pagkakasakit.
“Napakamahal po’ng magkasakit, at malaking dagok ang gastos na ito lalo na para sa mga pamilyang naghihirap. Kaya po nariyan ang PCSO at nagpupursigi na matulungan ang mga kababayan natin,” giit ni Cua.
Binigyang-diin din ni Cua ang papel na ginagampanan ng mga tao sa pagtulong sa mga benepisyaryo ng PCSO.
“Bayanihan po itong maituturing, dahil ang mga kababayan nating lumalahok sa sweepstakes ang tumutulong na magpondo sa pagpapagamot ng mga kapwa nila,” ani Cua.
Nangako rin si Cua na patuloy na magsusumikap ang ahensya para matupad ang mandato nito at maging “compassionate face” ng administrasyong Marcos.
Sa unang quarter ng taong ito, naglabas ang PCSO ng P410,427,957.55 sa pamamagitan ng MAP para matulungan ang 60,779 Pilipino.