Lalo pang nabawasan ang water level sa Angat dam sa Bulacan na malapit nang umabot sa minimum operating level nito.
Sa update ng Hydrometeorology Division ng PAGASA, kahapon ng alas-6 ng umaga ay bumaba pa sa 180.89 meters ang water level sa Angat matapos itong mabawasan ng 33 cms. Wala nang isang metro ang agwat nito sa minimum operating level ng dam na 180 meters.
Ayon kay PAGASA Senior Hydrologist Oyie Pagulayan, oras na umabot sa 180 meters ang lebel ng tubig sa Angat ay maaaring bawasan na ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig na ibibigay sa mga water concessionnaire na nagsusuplay sa Metro Manila.
Ang NWRB ang nakakaalam sa pag-allocate ng tubig na isusuplay sa Metro Manila mula sa Angat.
May 90% ng suplay ng tubig sa Metro Manila ay galing sa Angat.
Sinabi ni Pagulayan na kung hindi pa rin makakaranas ng pag-ulan sa may watershed ng Angat at magpapatuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig ay posibleng sa susunod na linggo ay umabot na sa minimum operating level na 180 meters ang Angat dam.
Umaasa naman ang PAGASA na makakadagdag sa antas ng tubig sa water reservoir ang mga pag-ulan ngayong Hulyo dahil sa habagat.
Una nang nanawagan ang NWRB sa publiko na magtipid at maging responsable sa pagkonsumo ng tubig lalo na ngayong dumaranas ang bansa ng epekto ng El Niño phenomenon o panahon ng tagtuyot o konting pag-ulan.