Nawalan ang gobyerno ng mahigit P369.1 milyon noong 2022 dahil sa mga depekto sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Pinuna ng COA na ang 653 proyekto ay base sa audit report ng Commission on Audit (COA), 653 infrastructure projects ng ahensiya na pinondohan ng mahigit sa P20.7 bilyon ang nakitaan ng napakaraming depekto, diperensiya at mga items sa trabaho na hindi naisakatuparan at nai-deliver alinsunod sa ‘terms of specifications’ ng kontrata.
Tinukoy ng COA ang 34 asphalt projects na pinaglaanan ng P953.7 milyon at inimplementa ng Lanao del Norte 1st District Engineering Office (DEO) sa DPWH Region X mula 2019 hanggang 2022. Ang proyekto ay nakitaan ng mga bitak, potholes at talagang nakakadismaya sa kabila ng dumaan na ito sa serye ng rehabilitasyon sa aspalto.
Tinukoy rin ng COA ang proyekto ng DPWH Regional Office V at Sorsogon 1st DEO sa Daang Maharlika mula 2019 hanggang 2021 na maraming mga bitak, butas, hindi pantay at maging ang pinalawak na tulay ay mayroon ding mga bitak at potholes kung saan kapuna-puna ang kaibahan sa bago at lumang istraktura.
Sinasabing sanhi ng depekto ang masamang kondisyon ng panahon, matinding traffic at overload na mga trucks na dumaraan dito, mahinang klase ng materyales sa konstruksiyon, pangit na disenyo at trabaho.
Nagbabala rin ang COA na ang mga depekto ay maaaring maglagay pa sa peligro para sa kaligtasan ng publiko at umano’y pagwawaldas lamang ng pondo at resources ng gobyerno na dapat ay maisaayos.
Kinalampag din ng COA ang DPWH na obligahin ang kanilang mga kontraktor na isagawa kaagad ang pagkukumpuni ng mga depekto at kung mabigong tumalima ay iblacklist ang mga ito.