Bunsod ng banta sa pagkakaroon ng krisis sa suplay ng tubig dala nang patuloy na pagbaba sa kritikal na lebel ng Angat Dam, nanawagan si Valenzuela City 2nd Dist. Rep. Eric Martinez sa publiko, mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno at iba pang stakeholders na agad na kumilos, bigyang prayoridad ang paghanda at maglatag ng pangmatagalang solusyon sa nabanggit na suliranin.
Pagbibigay-diin ni Martinez, ang nakababahalang low water lebel na ito ng nabanggit na dam, na siyang pinagkukunan ng 90% para sa pangangailangan ng water supply ng Metro Manila, ay dapat magsilbing wake-up call at marapat lamang na magkaroon ng long-term solution dito.
Panawagan din niya, kailangang ang pagpapatupad ng komprehensibong istratehiya upang maibsan ang epektong dala ng El Niño at masiguro ang kapakanan ng mga komunidad.
“As Angat dips below 180 meters, warning bells have sounded. With no rains in sight and the El Niño scenario in effect, NCR should prepare well. Every drop counts,” mariing pahayag pa ni Martinez.
Noon pang Mayo ay una ng binanggit ni Martinez, na siya ring vice chairperson ng House Committee on Appropriations, ang seryosong sitwasyon na ito kung kaya hinimok na magkaroon ng proactive measures upang maresolba ang napipintong hamon.
“A waterless NCR will hamper economic activity,” paalaala pa ni Martinez at sinasabi rin niyang “our actions should be, clear, definitive, and quick.”
Dahil sa pagkakaroon ng malaking epekto sa mga kabahayan, agrikultura at iba pang mahahalagang sektor, umapela rin si Martinez sa pagkakaroon ng sama-samang aksyon sa pagtitipid sa paggamit ng tubig, magpatupad ng water-saving practices, at paghahanap sa iba pang posibleng pagkukunan ng suplay ng tubig.