Posibleng sa dulo ng taon pa magsimulang bumaba ang presyo ng bigas sa merkado.
Ayon kay Samahang Industriya ng Magsasaka Chairman Rosendo So, posibleng sa Nobyembre o Disyembre pa mag-umpisa bumaba ang presyo ng bigas.
“Ngayon mataas ang presyo ng palay kasi wala tayong harvest. Nagtatanim pa ang mga magsasaka natin,” ani So.
Sa ngayon, pumapalo pa rin sa P40 kada kilo ang presyo ng pinakamurang presyo ng bigas sa ilang pamilihan sa Metro Manila, gaya ng Kamuning Public Market sa Quezon City.
Simula sa Lunes, Hulyo 10, magbebenta naman ang non-government organization na Philippine Rice Industry Stakeholders Movement ng P38 kada kilo na bigas sa buong bansa.
Kahit mura, well milled umano ang naturang bigas.
Makikipag-partner umano ang grupo sa Kadiwa Market at iba pang selling channels tulad ng rice mills, rice traders, mga barangay at local government unit.
“Sa P38 po, ito po ay subsidy na po namin at gusto po namin itong itawid hanggang po magkaroon po tayo ng harvest time pagdating po ng October,” ani Grains Retailers’ Confederation of the Philippines Inc. spokesperson Orlando Manuntag.
Samantala, base sa price update sa ilang palengke sa Metro Manila mula Department of Agriculture, nasa P190 na ang presyo ng manok.
Pumapalo naman umano sa P300 kada kilo ang baboy, P140 ang tilapia, P240 ang galunggong, P160 hanggang P170 ang pulang sibuyas, at P90 ang asukal.