Tiniyak ng National Economic and Development Authority (NEDA) na may ginagawa ng mga hakbang ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para maibsan ang negatibong epekto ng El Niño sa bansa.
Ayon kay NEDA Usec. Rosemarie Edillon, ngayong taon ay hindi inaasahang magiging matindi ang epekto ng dry-spell o tagtuyot sa inflation o pagmahal ng mga bilihin lalo na ang pagkain.
“Hindi kami nakakakita ng malaking negative impact nito sa inflation or sa economy,” ani Edillon.
Subalit dahil tinayang mas mararamdaman ito sa unang bahagi ng 2024, ngayon pa lamang ay nagsisimula na umano ang mga preparasyon.
Tinukoy ni Edillon ang binawasang alokasyon ng tubig para sa irigasyon dahil tapos naman na ang panahon ng taniman.
Inaapura na rin umano na matapos ang maliliit na impounding water projects na mapag-iimbakan ng tubig kapag madalas o malalakas ang ulan.
Sabi ng NEDA, ang magiging impact ng El Niño sa susunod na taon ay dedepende kung paanong pinaghandaan, bagay na kabisado na ng pamahalaan dahil hindi naman bago ang pagtama ng El Niño phenomenon sa Pilipinas.
Anya, regular na ang pagdating ng El Niño sa bansa, “three years in, three years out, nandyan lagi si El Nino”.
“Alam na ng mga kababayan natin kung paano sila maghahanda dito… Mga government agencies natin alam na rin kung paano ‘yung dapat na paghahanda,” wika pa ng NEDA official.