Dahil sa tip ng concerned citizen Tip ng isang concerned citizen ang naging dahilan sa pagkaaresto ng tatlong drug suspects at pagkakumpiska ng may P1.7 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation na isinagawa sa tapat ng isang paaralan sa Quezon City kamakalawa.
Sa ulat ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGEN Nicolas Torre III, nakilala ang mga suspek na sina Alejandro Lapore, 52; Rosalinda Lapore, 50; at isang 16-anyos na dalagita, pawang residente ng Brgy. Santa Ana, Taytay, Rizal.
Sa ulat ng Anonas Police Station (PS 9), na pinamumunuan ni PLt. Col. Morgan Aguilar, nabatid na dakong alas-6:10 ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa tapat ng isang paaralan sa Aurora Blvd., Brgy. Loyola Heights, Quezon City.
Lumilitaw na nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis nang makatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen hinggil sa drug peddling activity ng mga ito.
Isang pulis ang umaktong poseur buyer at nang makabili ng P50,000 halaga ng shabu ay kaagad nang inaresto ang mga suspek.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang nasa 250 gramo ng shabu na nasa P1.7 milyon ang halaga, isang cellular phone; isang Isuzu DMAX (NOT 449); at buy-bust money.
Ang mga suspek ay nakapiit na at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.