Isang drug suspect ang inaresto ng mga pulis matapos na mahulihan ng may 200 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1.3 milyon sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director BGen. Nicolas Torre III ang naarestong suspek na si Ruben Madarang, 40, ng Project 8, Bahay Toro, Quezon City.
Nabatid na ito na ang ikatlong pagkakataon na si Madarang ay inaresto sa kasong may kinalamang sa illegal drug activity, ngunit todo-tanggi ito sa akusasyon laban sa kanya.
Batay sa ulat ng QCPD, si Madarang ay inaresto ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng QCPD, na pinamumunuan ni PMaj Hector Ortencio, dakong alas-7:10 ng gabi sa may Lot 5, Blk. 16, Congressional Avenue, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Nakatanggap umano ng tip ang mga awtoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek kaya’t tinarget ito sa isang buy-bust operation, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nakumpiska mula sa suspek ang nasa 200 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,360,000, isang cellular phone, buy-bust money, at isang puting PCX160 Honda motorcycle na may plate number 860PJV.
Nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang nadakip na suspect.