Simula na bukas (July 12) mararanasan ng mga customer ng Maynilad Water ang water interruption dahil sa patuloy na pagbaba ng level ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan.
Ang ilang lugar ng Caloocan City, Malabon City, Manila, Valenzuela City, Navotas City at Quezon City ang maaapektuhan ng water interruption na simulang ipapatupad mula alas-7 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga at sa ibang lokalidad ay mula alas-6 ng umaga.
Naka-post sa Facebook page ng Maynilad ang itatagal ng pagkawala ng suplay ng tubig sa bawat lugar.
Niliwanag ng Maynilad na ang ugat nito ay dulot sa pagbaba ng raw water allocation ng kompanya sa 48 cubic meters per second dahil naman sa pagbaba ng water level sa Angat Dam na bumaba pa sa 180 meters.
Ang 90 percent tubig mula sa Angat Dam ang isinusuplay sa Metro Manila at kalapit lalawigan
“The allocation was lowered in an effort to preserve water in Angat Dam, given the possible worsening effects of El Niño in the coming months. However, this also means that Maynilad will get less supply than it needs to sustain normal service levels,” ayon sa Maynilad.
Gayunman, sinabi ng Maynilad na dahil may imbak pa ng tubig sa Ipo watershed mula sa nararanasang ulan doon posibleng ang arawang pagkawala ng suplay ng tubig ay hindi agad maramdaman.
Maari rin umanong umikli ang oras ng water interruption kung makakakuha ng dagdag na tubig mula sa ibang supply augmentation projects.
“At any rate, affected customers are advised to prepare for this scenario. Keep enough water stored for your needs during the hours when supply will not be available. Please store water in clean, covered containers,” dagdag ng Maynilad.