Malapit na sa critical level ang tubig sa Magat Dam dahil sa kawalan ng ulan at tubig na dumadaloy sa malalaking ilog mula sa Nueva Vizcaya at Ifugao.
Sinabi ni Engineer Gileu Michael Dimoloy, department manager ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS), ang antas ng tubig mula sa reservoir ng dam ay bumaba sa 163.60 metro dakong alas-5 ng umaga kahapon, o mas mababa sa 164.29 metro nitong Hulyo 29.
Dahil dito, nagsagawa ng rotational irrigation ang nasabing tanggapan para makatipid sa tubig kasabay ng panawagan sa mga magsasaka na gamitin ng maayos ang kanilang mga patubig para hindi masayang.
“We are asking our farmers as well as irrigator’s association to use our irrigation water wisely due to lack of rains and limited water inflow in the Magat reservoir,” panawagan ni Dimoloy.
Sa kabila nito, sinabi ni Dimoloy na sapat pa rin ang supply ng tubig dahil sa karamihan sa mga magsasaka sa ngayon ay nag-aani na ng kanilang mga pananim kaya’t hindi gaanong malaki ang pangangailangan ng tubig sa mga irigasyon.
Pero nilinaw ng opisyal na kung magpapatuloy ang kawalan ng ulan dahil sa banta ng El Niño ay patuloy rin ang pagbaba ng lebel ng tubig sa dam at maaaring hindi na ito magiging sapat sa susunod na mga araw lalo na sa pagpasok ng taniman.