Diniskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) si Aurora Vice Governor Gerardo “Jerry” Noveras dahil sa paggamit umano ng tarpaulin printer na pag-aari ng pamahalaang panlalawigan para sa kaniyang kampanya noong 2022.
“Wherefore, premises considered, the Commission (First Division) hereby resolves to grant the instant petition. Respondent Gerardo “Jerry” Noveras is disqualified,” ayon sa resolution na inakda ni Comelec First Division Presiding Officer Socorro Inting na sinuportahan nila Commissioners Aimee Ferolino at Ernesto Ferdinand Maceda Jr.
Nakagawa umano si Noveras ng “grave violation” sa Section 261(d)1) ng Omnibus Elections Code base sa mga ebidensyang inihain sa komisyon.
Nagbuhat ang kaso sa petisyon ni Narcisco Amansec, ang kalaban sa posisyon ni Novero noong 2022 elections, na nag-akusa sa kaniya na gumagamit ng mga ari-arian, equipment at pasilidad ng lokal na pamahalaan para sa sarili niyang interes at benepisyo sa kampanya.
Aktuwal umano niyang nasaksihan at ng kaniyang asawa sa Aurora Training Center (ATC) Compound noong Marso 30, 2022 ang pag-iimprenta sa mga tarpaulin at campaign materials ni Noveras.
Sinagot naman ito ni Noveras na ang paglabag sa Section 261 (o) ay hindi kasama sa mga grounds para madiskuwalipika ang isang kandidato.
Ngunit base sa mga ebidensya, iginiit ng Comelec First Division na nagkaroon ng multiple violations ng OEC si Noveras at mayroong “undue advantage” habang hawak ang kanilang posisyon bilang incumbent na gobernadora ng Aurora.
Maaari namang maghain ng “motion to reconsider a decision, resolution, order, or ruling of a Division” ang kampo ni Noveras sa loob ng limang araw makaraan ang promulgasyon.
Magugunita na ilang buwan matapos ang kanyang paghahain ng kaso laban kay Noveras, si Amansec kasama ang kanyang maybahay na si Merlina at kanilang driver ay pinaslang ng ‘di pa nakilalang mga suspek sa loob mismo ng kanilang pick-up truck sa Barangay Dibatunan.