Nakapagtala ng 511 rockfall events sa bulkang Mayon sa Albay, sa nakalipas na 24-oras.
Sa 8:00 am bulletin na inilabas ng Phivolcs, nagkaroon din ng 38 pyroclastic density current (PDC) events at tatlong volcanic earthquakes mula 5:00 am ng Lunes hanggang 5:00 am ng Martes.
May namataan din umanong manipis na ashfall sa ilang lugar ng Brgy. Mabinit, Legazpi City; Brgy. Budiao at Brgy. Salvacion, Daraga at Camalig, Albay.
Nagkaroon din ng mabagal na pagdaloy ng lava na may habang 2.8 km sa Mi-isi Gully at 1.4 km sa Bonga gully at pagguho ng lava sa Basud Gully na hanggang 4 km mula sa crater sa Basud Channel.
Nasa 721 tonelada naman ang sulfur dioxide flux na ibinuga ng bulkan noong Hulyo 10 habang 800 metro ang taas ng plumes o katamtamang pagsingaw nito, na napapadpad sa timog-timog-kanluran at timog-kanluran.
Anang Phivolcs, patuloy pa rin ang pamamaga ng bulkan, na nananatiling nasa Alert Level 3 dahil sa intensified unrest at ang hazardous eruption sa loob ng ilang linggo o ilang araw ay posible pa ring maganap.