Nais ni Senador Risa Hontiveros na ideklara ang Hulyo 12 ng kada taon bilang National West Philippine Sea victory Day. Ito ay bilang pag-alala umano sa tagumpay ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Hague, Netherlands noong 2016.
Paliwanag ni Hontiveros, ang pag-alala sa naturang tagumpay noong 2016 ay makakatulong para humina ang pag-aangkin ng China sa pinag-aagawang teritoryo.
Paulit-ulit umano ang kasinungalingan at propaganda ng China kaya hindi dapat tumitigil ang Pilipinas sa pagsisiwalat ng katotohanan at dapat itong umpisahan sa pagpapatibay ng kaalaman ng mga Filipino sa karapatan natin sa West Philippine Sea (WPS).
Noong nakaraang linggo ay naghain si Hontiveros ng Senate Resolution 659 na nanawagan sa gobyerno sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na iakyat ang isyu sa WPS sa UN General Assembly.
Anya, panahon na para umaksyon ang gobyerno sa ngalan ng kalayaan ng bansa mula sa pangha-harass at pambu-bully ng China hindi lang sa mga mangingisda kundi maging sa ating coast guard.