Nauubos ang pondo ng gobyerno dahil sa tone-toneladang basura sa Metro Manila matapos gumastos ang Metro Manila Development Authoriy (MMDA) ng P3.336 bilyon noong 2022 para bayaran ang kontraktor sa paghahakot nito.
Base ito sa inilabas ng Commission on Audit (COA) na 2022 Financial Statements ng MMDA sa ilalim ng “Environmental/Sanitary Services” account.
Ayon sa COA, ang halaga ay mataas kumpara sa ginasta na P3.217 bilyon noong 2021.
Nabatid na ang ginasta noong 2018 ay mas mataas ng 83.6 porsiyento kumpara noong nakaraang taon.
Ayon pa sa COA, ang pinakamalaking pagtaas ay nangyari noong 2019 hanggang 2020 sa panahon ng panunungkulan ni dating MMDA Chairman Danilo Lim na nagsilbi sa pagitan ng Mayo 2017 hanggang Enero 2021.
Base sa breakdown ng hauling contract ng MMDA sa solid waste sa loob ng nakalipas na limang taon ang mga nagasta ay: P1.817 bilyon noong 2018; P2.049 bilyon (2019); P2.873 bilyon (2020); P3.218 bilyon (2021) at P3.336 bilyon sa 2022.
Samantala, posible umanong makaapekto sa lifespan ng magagamit na mga sanitary landfills ang pagtaas ng gastusin sa koleksiyon ng basura sa Metro Manila.
Noong 2018 ay nagtakda ng target na 20 taon at dalawang buwan ang MMDA sa kapasidad ng landfills. Sa pagtatapos ng 2022, sinabi ng ahensiya na ang nasabing landfill ay ang itinakdang landfill pa rin at magagamit sa loob ng 11 taon, depende kung ang basura ng 14 milyong residente sa MM ay nasa kahalintulad pa ring volume o dami.
Inaasahan naman na tataas pa ang koleksyon ng basura sa mga susunod na taon.
Mula sa 9.07 milyong metriko tonelada na nakolekta ng 2006 tumaas ito sa 16.63 milyong metriko tonelada noong 2020.