Meron nang nasawi habang dalawa ang sugatan bunga ng Typhoon Egay at habagat sa Pilipinas, bagay na nagpalikas na sa libu-libo ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong Miyerkules.
Sa huling ulat ng NDRRMC, umabot na sa 180,439 katao ang naapektuhan ng bagyo kabilang na ang:
- patay: 1
- sugatan: 2
- lumikas: 11,041
- nasa loob ng evacuation centers: 8,917
- nasa labas ng evacuation centers: 2,124
Sinasabing nagmula sa CALABARZON ang isa sa mga namatay habang isa naman din sa parehong rehiyon at sa Western Visayas ang injured. Ang pareho ay patuloy na bineberipika ng NDRRMC.
Ang mga apektadong populasyon sa ngayon ay sinasabing nagmula sa sumusunod na rehiyon:
- Rehiyon ng Ilocos
- Central Luzon
- CALABARZON
- MIMAROPA
- Bicol Region
- Western Visayas
- Northern Mindanao
- SOCCSKSARGEN
Nagdeklara na rin ng ilang suspensyon ng klase at trabaho buhat ng bagyo at pinalakas nitong Hanging Habagat, ito habang naantala naman ang ilang biyahe sa mga paliparan.