Nagpaabot ng tulong ang Philippine Ports Authority (PPA) sa mahigit 2,000 pasaherong stranded sa lahat ng pantalan sa buong bansa mula sa mga kanseladong biyahe ng mga barko dahil sa masamang panahon na idinulot ng Supertyphoon “Egay”.
Bilang aksyon, namahagi ang ilang PPA Port Management Offices (PMO) sa buong bansa ng hot meals gaya ng lugaw bilang kanilang pantawid gutom habang naghihintay na manumbalik ang magandang lagay ng panahon at maka-biyahe na sa kani-kanilang mga probinsya.
Sa Holding Area ng North Port Passenger Terminal, nakatanggap ng mainit na lugaw ang mahigit 400 stranded na pasahero na ilang araw nang naghihintay ng kanilang biyahe.
Namahagi rin ng ayudang lugaw ang PMO Bicol sa mahigit 1,000 pasaherong stranded sa kanilang lugar. Habang tuluy-tuloy din ang pamamahagi ng PPA lugaw sa ilan pang mga PMO sa bansa gaya ng Port of Dumaguete, PMO Negros Oriental/ Siquijor, PMO NCR-South, Port of Lucena, Port of Matnog, Dapitan Port, at PMO MarQuez.
Patuloy din na nakaantabay ang mga kawani ng PPA kasama ang medical assistance mula sa Philippine Red Cross, PPA Port Police at Malasakit Help Desk upang umalalay sa mga pasaherong stranded sa bawat pantalan hanggang sa makabalik na sa kani-kanilang mga biyahe.