Pinag-iingat ng Philippine National Police -Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang publiko kaugnay ng pagtaas ng ‘hacking incidents’ sa social media.
Ayon sa PNP-ACG, nakaaalarma ang paglobo ng mga kaso ng Facebook hacking incidents na umabot na sa 743 sa unang anim na buwan pa lang ng 2023.
Mula sa 503 kasong iniulat noong 2021, pumalo ito sa 1,402 noong 2022.
Sinabi ng ACG na ang pangunahing motibo ng mga hacker ay manipulahin ang pagkakakilanlan ng account user upang makapanloko o makapang-scam sa mga contact ng mga biktima.
Payo ng ACG sa lahat ng FB account users magkaroon ng Two-Factor Authentication na makikita sa setting ng FB account, iwasan ang pagkonekta sa mga pampublikong wifi, at i-log-out ang kanilang mga Facebook account sa mga device o gadget kung hindi ginagamit.
Kasabay nito, panawagan ng PNP-ACG sa mga mabibiktima ng FB account hacking na agad itong i-ulat sa FB support team o kaya’y isumbong sa lokal na pulisya o otoridad sa kani-kanilang lugar.